Thursday, December 19, 2013

Salamat at Paalam

          Ngayong araw, nakita kong yakap yakap ng pamangkin ko si Roar. Nakakatuwa kasi ang saya saya niya tignan. Nakabungisngis at mahigpit ang yakap sa stuffed lion. Naalala ko tuloy noong una kong nakita si Roar. Ganun din ang naging reaksyon ko. Napag isip-isip ko, oras na ata na pakawalan si Roar. Para naman makapagbigay siya ng saya sa ibang tao gaya ng pagbibigay niya ng saya sakin. Nang hindi naman siya napapabayaan at natatambak lang sa isang lugar dahil lang ayoko na siyang tignan kasi nasasaktan ako tuwing nakikita ko siya. Napag  isip-isip ko, oras na para pakawalan ka ng tuluyan.

          Lagi ko namang trinato si Roar na parang may buhay siya. Minsan bilang isang alaga pero mas madalas, bilang anak natin. Nagtatampo ka minsan kasi mas love ko siya kaysa sayo. Pinagseselosan mo pa nga siya minsan kasi mas madalas kaming magkasama. Naalala mo ba nung bininyagan natin siya? Nangingiti pa rin ako hanggang ngayon tuwing naaalala ko yun kasi naaalala ko yung pagkasimple ng mga bagay bagay. Napaka naive at bata natin, nakakatawa at nakakatuwa. Andami ng nagbago ngayon. Hindi na tayo parang dati. Nagbago ka, nagbago ako. Pero hindi ko alam kung gusto ko kung sino ka ngayon.

          Andami na naming pinagsamahan ni Roar. Ginagawa ko pa nga siyang pampunas ng luha eh. Minsan, iniisip ko na ikaw siya, na connected kayo somehow kaya ko siya kinakausap para lang mailabas ko yung mga gusto kong sabihin sayo. Siya yung lagi kong kayakap kapag malungkot ako. Madaming mga alaala ang nakakonekta sa kanya. Madaming maganda pero sa ngayon hindi ko pa kayang balikan yun ng hindi naiiyak. Kaya baby Roar, pasensya ka na at napakahina ko, ibibigay na kita sa taong alam kong mapapasaya mo din. Sobrang napasaya mo ko. Sobrang laki ng naitulong mo sakin kasi naging ikaw ang aking munting therapist. Sorry at ipamimigay na kita, hindi na kita kayang alagaan eh.  Salamat at Paalam.

No comments:

Post a Comment