“Kung kasalanan ang pagdudahan ang kabayanihan ni Rizal, mukhang magkakasala kami sa pelikulang ito.”
Ito ay isa sa mga pambungad na salita ng pelikula/dokumentaryong Bayaning 3rd World. Pero isipin natin, kasalanan nga bang maituturing ang pagdudahan ang kabayanihan ni Rizal? Marahil kung kakausapin mo si Gregorio Aglipay at ang ibang miyembro ng mga samahang Rizalista, oo, kasalanan ang pagdudahan ang pagkabayani ni Rizal. Sa pelikula, gumawa ang mga tauhan (na director at manunulat ng script ng isang pelikula) ng isang imbestigasyon kung saan babalikan nila ang nakaraan upang kausapin ang mga mahahalagang tao sa buhay ni Rizal. Kinausap nila ang ina ni Rizal na si Donya Teodora, si Paciano, si Trinidad, si Josephine, si Narcisa at si Rizal mismo. Hindi man nasagot ang lahat ng kanilang mga katanungan, masasabi naman natin na marami tayong mapupulot na mahahalagang bahagi ng kasaysayan na hindi natin malalaman kung hindi natin papanuorin ang pelikulang ito. (at kung hindi ka kumukuha ng PI 100 class.)
Sa pagkausap ng mga tauhan sa mga mahahalagang tao sa buhay ni Rizal, maraming argumento at mga kuro-kuro ang naipabatid ng mga gumawa ng pelikula. Sa malikhaing paraan, naipakita nila kung sino si Rizal bilang isang anak, kapatid at mangingibig. Bilang anak, masasabi nating si Rizal ay isang mapagmahal na anak. Hindi niya nakakalimutang sulatan ang kanyang mga magulang. Pero marahil nag dulot din si Rizal ng ilang sama ng loob sa kanyang ina dahil sa pagtalikod nito sa kanyang nakagisnang relihiyon. Ang kristiyanismo. Matatandaan natin na si Rizal ay isang mason na taliwas sa turo ng kanyang ina. Nagpahayag din ang kanyang ina sa pelikula na nakakalimutan na daw ni Rizal ang kaniyang mga tungkulin bilang isang katoliko.
Pangalawa, ipinakita din si Rizal bilang isang kapatid. Sa pelikula, ipinakita na hindi na gaanong malapit si Rizal sa kanyang kuya Paciano at higit na naging mas malapit siya sa kanyang mga kapatid na babae marahil na rin sa mga pagkakataong binibisita siya ng kanyang mga kapatid ng siya ay ipatapon sa Dapitan. Hindi rin naman natin masasabi na isang perpektong kapatid si Rizal dahil, oo nga’t mapagmahal siyang kapatid pero marami ring hindi napagkasunduan ang mga magkakapatid na Rizal. Isa na diyan ang pagpapakasal di umano ni Rizal kay Josephine Bracken.
Ipinakita din naman sa pelikula ang pagiging isang mangingibig ni Rizal. Dito din pumapasok ang kanyang kontrobersyal na retraction letter. Higit na ngang mapalad si Josephine Bracken kung tunay nga ang naging retraction letter ni Rizal. Mantakin mo, handang isuko ni Rizal ang lahat ng ipinaglaban niya, lahat ng pinanindigan niya, lahat ng pinaniwalaan niya buong buhay niya para lamang pakasalan ang isang babae. Hindi ba iyon maituturing na dakilang pag-ibig? Para kay Josephine, isa lang ang masasabi ko: “Haba ng hair mo, teh!”
Bilang isang propagandista naman, ipinakita ang pagsusulat ni Rizal sa iba’t ibang tula at nobela niya habang naglalakbay pero higit na nagbigay tuon sa buhay niya sa Dapitan. Sa Dapitan, tila umurong na ang dila ni Rizal. Naging mas maamo o banayad sa kanyang pagsasalita si Rizal na makikita natin sa kanyang mga lika noong nasa Dapitan tulad ng Mi Retiro, Dapitan, at iba pa. Pero hindi pa rin sumangayon si Rizal sa gagawing pag aalsa ng mga rebolusyonaryo. Muli, mapapaisip ka. Kasalanan nga bang pagdudahan ang kabayanihan ni Rizal? Sa tingin ko, hindi naman. Dahil ika nga ng mga gumawa ng pelikula, tayo ay may “kanya-kanyang Rizal”. Lahat may interpretasyon ng mga kaganapan sa buhay niya. Pero ang punto ko, tinalikuran ni Rizal ang rebolusyon, at kung totoo man ang retraction letter niya, tinalikuran din niya ang kung ano mang mga bagay o dahilan kung bakit natin siya itinuturing na bayani: ang pagsulat niya ng kanyang Noli Me Tangere at El Filibusterismo. Nasabi nga ni Renato Constantino sa kanyang artikulong Veneration Without Understanding, kung ibang tao na may mas mababang katayuan sa buhay ang gumawa nito, marahil ituturing natin siyang traydor o taksil sa ipinaglalaban ng masang Pilipino. Pero hindi. Dahil si Jose Rizal ang pinag uusapan, hindi natin masasabi ito ng deretsahan.
Sa tingin ko din naman ay medyo hindi patas ang pagtingin ko kay Rizal. Akin ding napagtanto na kahit nag retract si Rizal, hindi nito nabawasan ang naging epekto ng kanyang mga akda noon. Ito ang nagsimula ng apoy sa mga puso ng bawat Pilipino na oras na nga upang umaksyon laban sa mga Kastila. Na labis na ang ginagawa nilang mga pang aabuso. Sa isang parte, marahil tama ang sinabi ng mga mang uusig ni Rizal. Sa tingin ko, siya nga ang kaluluwa ng insureksyon dahil siya ang nanggising sa mga mamayang Pilipino upang umaksyon laban sa mga Kastila.
Hindi na marahil maisasara ang isyu tungkol sa retraction letter ni Rizal. Wala naman na tayong paraan para malaman kung tunay nga ito. Patay na si Rizal at sa tingin ko, siya lang ang tunay na nakakaalam ng kasagutan sa mga tanong na ito. Pero hindi rin natin maikakaila na naging mahusay ang pagkakagawa ng pelikula. Ginawa nitong mas kainti-intindi ang mga bagay na kung babasahin sa libro ay iisipin nating nakakainip kaagad. Mahusay ang pagkakahayag ng bawat detalye at mahuhusay ang mga aktor at aktres na gumanap sa pelikula. Maganda rin ang cinematography ngunit hindi ko gaanong nagustuhan na ang buong pelikula ay black and white. Marahil, ito ay para sa effects pero mas maganda sana kung ginawa nilang black and white yung mga tagpo kung saan sila bumalik sa nakaraan at may kulay naman yung mga tagpo sa kasalukuyan. Bukod doon, masasabi kong maganda ang pelikula at maraming mapupulot dito. Mapalad ako na napanuod ko ito. Nakalulungkot lamang na kakaunti lamang sa ating mga kababayan ang nakapanuod nito. At kahit na nanalo ito ng maraming parangal at papremyo, hindi ito pumatok sa takilya kaya agad tinanggal sa mga sinehan, at kaya kakaunti lamang ang nakapanuod nito. Nakalulungkot din na madalas, mas pinipili natin ang mga banyagang pelikula kaysa sa mga pelikulang sariling atin. Nasaan ang nasyonalismo doon?